Manila, Philippines – Nagpaliwanag ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 kaugnay sa kumalat na video sa Social Media na nabuksan ang isang pinto sa isang bagon ng LRT kagabing alas-7.
Ayon kay LRT Line 1 Operation Director Engr. Rod Bolario, puwersahan umanong binuksan ng isang pasahero ng LRT ang saradong pinto kaya mula Vito Cruz patungong Quirino Station, habang tumatakbo ay nakabukas ito na napapanood ngayon sa Social Media.
Paliwanag ni Bolario hindi nahuli ang hindi nakilalang commuter dahil pagdating sa Quirino Station ay mabilis na bumaba.
Aminado naman umano ang LRT Line 1 sa pagkukulang lalo pa at hindi nila nalagyan ng warning sign na depektibo ang isa sa mga pinto ng nasabing tren.
Pinagtanggol din ni Bolario ang operator ng tren na may nabuksan pinto dahil hindi umano nade-detect ng operator kung bukas ang pinto dahil sa pagiging depektibo, kaya aniya nang sapililtang buksan ng isang pasahero ay agad na nabuksan.
Humihingi ng paumanhin sa riding public ang pamunuan ng LRT Line 1 patungkol sa naganap na insidente.
Nabatid na nagmula ang tren ng LRT Line 1 sa Baclaran upang magsilbing escape train at naglulan na lamang ito ng sakay pagsapit sa Vito Cruz Station.
Nakumpuni ang naturang tren pagdating sa Roosevelt Station sa Muñoz Station.
Paalala ng pamunuan ng LRT sa mga commuter huwag bubuksan ang mga pinto ng tren lalo na kung umaandar dahil mapanganib.