Kagawad, arestado sa pambubulsa umano ng SAP

3206

Hinuli ang isang kagawad sa Hagonoy, Bulacan, matapos mabistong nangongolekta ng halos kalahati umano ng ayuda mula sa special amelioration program (SAP).

Ayon kay Hagonoy police chief Col. Roginal Francisco, inaresto ang kagawad na si Danilo Flores, 66, sa umano’y panggagantso sa mga nasasakupan sa barangay San Agustin.


Nakuhanan ng video si Flores habang nagpapaliwanag sa mga residente na P3,000 lang ang matatanggap nila mula sa P6,500 na ayuda, dahil mapupunta raw kay mayor ang P3,500 na ipamimigay naman daw sa mga hindi makakatanggap ng ayuda.

Nag-viral ang naturang video makaraang i-post sa Facebook ng isang Lhon Villamor Perez noong Abril 27.

Itinanggi naman ni Mayor Raulito Manlapaz ang ipinapakalat na patakaran ng kagawad at sinabing wala siyang kinalaman sa pangunguha ng pera ni Flores.

Facebook Comments