Itinanggi ng Malacañang na huli na nang mapagtanto ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahalaga ang testing para sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “reiteration” o pagbibigay diin lamang ang naging pahayag ng Pangulo na na-realize niyang mahalaga ang COVID-19 testing kaya kailangan pa itong paigtingin.
Aniya, matagal ng prayoridad ng gobyerno ang pagpapatupad ng COVID testing kaya nga itinalaga bilang Testing Czar si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Vince Dizon para patutukan ito at agad ma-isolate ang mga magpopositibo sa virus.
Sa katunayan, ang Pilipinas pa nga aniya ang may pinakamataas na testing capacity sa buong Asya.
Nilinaw rin ni Roque na ang kautusan ng Pangulo na gamitin ang mga hotel at motel bilang quarantine facility ay hindi nangangahulugang puno na ang mga pasilidad na itinayo ng gobyerno.
Dagdag lamang ang mga ito bilang isolation area para sa paghahanda sa mas pinalakas pang testing at contact tracing sa bansa.