Halos lahat ng mga tumatakbo ngayon sa pagkapangulo ang naniniwalang mahalaga ang mga debate.
Sa isinagawang presidential debate kahapon ng CNN Philippines, 8 sa 9 na dumalo ang nagsabing mahalaga ang debate upang makilatis nang husto ang mga kandidato.
Ayon kay Ka Leody De Guzman, importante ang debate para malaman kung ano ang mga programa at mga plataporma.
Gayundin naman, inihalintulad ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagdalo sa debate sa isang interview sa Human Rights (HR) Department kapag nag-aapply ng trabaho.
Habang para kay dating Defense Secretary Norberto Gonzales, ang debate ang isang paraan upang mapag-usapan ang mga mahahalagang bagay at maipaliwanag ang mga sistema sa politika.
Ayon naman kay Senator Panfilo Lacson, sa isang debate ang bawat tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.y walang script o nagtuturo kung kaya’t dito nasusukat ang galing at talino.
Pareho din ang pananaw nina Faisal Mangondato at dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella kung saan dito anila mas nakikilala ang mga kandidato upang hindi magkamali sa pagpili.
Para naman kay Senator Manny Pacquiao, lumalabas ang pagiging sinsero ng mga kandidato sa mga debate.
Iginiit naman ni Vice President Leni Robredo na nakikita ang pagiging lider kapag hinaharap nito ang mga mahihirap na tanong at hindi nawawala sa oras na kinakailangan.
Tanging si Dr. Jose Montemayor lamang ang nagsabing hindi importante ang debate.
Samantala, hindi naman dumalo si dating senador Bongbong Marcos sa presidential debates kahapon.