Kahalagahan ng feeding program na nakapaloob sa Philippine Plan of Action for Nutrition upang labanan ang malnutrisyon sa bansa, tinalakay sa programang “Nutrisyon Mo, Sagot Ko!”

Tinilakay sa episode 6 ng programang “Nutrisyon Mo, Sagot Ko!” ng National Nutrition Council (NNC) ang feeding program na isa sa mga hakbang ng pamahalaan para labanan ang malnutrisyon sa bansa.

Kasunod na rin ito ng paglulunsad nitong Sept. 04, 2023 ng Department of Health at NNC ng Philippine Plan of Action for Nutrition o PPAN para sa taong 2023 hanggang 2028.

Ang PPAN ay ang blueprint o framework para mabigyan ng direksyon ang gobyerno, mga NGO, academe, at pribadong sektor para maaksyunan ang problema sa malnutrisyon sa Pilipinas.


Nakapaloob dito ang mga iba’t ibang program kabilang na ang feeding program.

Ayon kay Ms. Ellen Ruth Abella, officer in charge ng Nutrition Policy and Planning Division ng NNC, ang feeding programa ay ang pagbibigay ng karagdagang pagkain sa loob ng isang araw upang madagdagan ang nakukuhang nutrisyon ng isang tao.

Ginagawa aniya ito sa loob ng 90 hanggang 120 days sa mga daycare center sa mga barangay sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development, Department of Education sa mga paaralan at ng NNC na nakatutok naman sa mga buntis na kababaihan at sa iniluwal niyang sanggol.

Bukod sa karadagan sources of foods, sinabi ni Abella na maraming nakukuhang benepisyo ang nasabing programa tulad ng kaalaman sa paghahanda ng masustansyang pagkain, magandang pakikisama sa komunidad at sa mga kapwa benepisyaryo at pag-improve sa nutritional status ng kabataan at mga buntis.

Sa ngayon nakatutok ng gobyerno na maipaabot ang feeding program sa mga liblib na lugar tulad ng Mindoro Provinces, Bukidnon at Region 8.

Facebook Comments