Usapin sa mental health at ang koneksyon nito sa pagkain ng wastong nutrisyon ang sentro ng talakayan ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council ng Department of Health.
Sa kanilang November 3, 2023 episode, ipinaliwanag ng guest expert na si Dr. Kathyrn Natalie Tan, Medical Specialist III, at Chief Psychosocial Rehabilitation Pavilion ng National Center for Mental Health kung ano ang mental health condition.
Ayon kay Dr. Tan, ang mental health problem ay problema sa emosyon o personality na maaring makaapekto sa paano ang tingin nito sa sarili at pakikitungo sa ibang tao, performance sa trabaho o sa eskwelahan.
Tinutukoy aniya ng mga espesyalista kung isa itong psychiatric condition kapag pasok ang mga sintomas nito sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders ng American Psychiatric Association (APA).
Aniya, maraming uri ng sakit sa pag-iisip kung saan pwede itong nasa lahi o sa kung paano pinalaki ng mga magulang at karanasan ng isang tao sa kanyang kabataan.
Ilan sa sintomas na may problema tayo sa atin mental health ay kung hindi maayos na pagtulog, hindi makakain, nagbabago ang pakikitungo sa ibang tao.
Pero sinabi ni Dr. Tan na nalulunasan ang mental health problems sa pamamagitan ng pagpapakunsulta sa doktor, interaksyon sa pamilya, laging mag-ehersisyo at magkaroon ng healthy lifestyle tulad ng pagkain ng mga prutas at gulay.
Binigyang-diin ni Dr. Tan na may mga pagkain na nakaka-trigger ng ating mental health disorder kaya iwasan ang sobrang matatamis na pagkain, maaalat at kape na maaaring nagpapataas ng ating anxiety.
Hindi rin inirerekomenda nito ang pagkain ng mga processed food dahil nauugnay ito sa depression.