Bubusisiin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang kahandaan ng bansa laban sa respiratory illness na kumakalat ngayon sa maraming bansa lalo na sa China.
Inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Senate Resolution 874 kung saan aalamin ng Senado kung handa ba ang ating gobyerno at ang health care system ng bansa sa pag-detect ng mga bagong uri ng respiratory illnesses lalo’t sa Pilipinas ay kapansin-pansin na ang pagtaas ng mga nagkasakit ng pneumonia.
Susuriin din kung handa rin ba ang pamahalaan na pigilan ang pagkalat nito at tugunan agad sakaling makapasok sa bansa ang bagong sakit at magkaroon ng pinangangambahang surge o outbreak.
Sa resolusyon ay umapela rin si Villanueva sa Department of Health (DOH) at iba pang kaukulang ahensya na magpatupad ng minimum public health standards at safety protocols upang mapigilan ang tumataas na kaso at ang posibleng outbreak ng sakit sa bansa.
Pinatitiyak din ng senador na may sapat na suplay ng gamot at personal protective equipment (PPEs) para panlaban sa pagkalat ng respiratory illness.
Iginiit pa ni Villanueva na palakasin ang health information, education, at communication programs para maiwasan ang mga nakakahawang respiratory diseases kabilang ang vaccination drives laban sa influenza, COVID19, pneumonia at iba pang mga sakit.