Kahandaan sa El Niño phenomenon, tiniyak ng MWSS

Handa na ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa malalang sitwasyon na maaring idulot ng nakaambang El Niño phenomenon at may mga hakbang na rin itong nailatag para makamit ng bansa ang water security.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development ukol sa sitwasyon ng tubig sa National Capital Region (NCR) ay sinabi ni MWSS Administrator Leonor Cleotas na may deriktibang ibinigay si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. hinggil dito.

Ayon kay Cleotas, katuwang nila sa paghahanda ang tatlong water concessionaires na kinabibilangan ng Maynilad, Manila Water at Luzon Clean Water.


Binanggit ni Cleotas na kasama sa kanilang hakbang ang operasyon ng waste water treatment plant, pagsasagawa ng cloud seeding at pagtulong sa National Irrigation Administration (NIA).

Dagdag pa ni Cleotas, pinaigting na rin ang pagpapakalat ng impormasyon o mga tipos sa publiko hinggil sa pagtitipid ng tubig sa tahanan, sa paaralan at sa lugar ng trabaho.

Sa pagdinig ay nilinaw rin ni Cleotas na hindi suplay ng tubig ang dahilan ng water interruptions sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, dahil sapat naman ang tubig na isinusuplay ng Angat Dam sa MWSS hanggang sa dalawang water concessionaires.

Facebook Comments