Cauayan City, Isabela- Sumentro sa kahandaan at kaligtasan ng mga Cagayano ang selebrasyon ng “Aggao Nac Cagayan 2021” matapos maranasan ang kalamidad na puminsala sa lalawigan ng Cagayan gaya ng Super Typhoon noong 2016.
Taong 2020 naman ng maganap ang makasaysayang malawakang pagbaha ng na gumulat sa malaking bahagi ng Cagayan at Isabela matapos umapaw ang Cagayan river dahil sa walang tigil na ulan.
Dahil dito, tinawag ni Governor Manuel Mamba na bahagi ng new normal ang naranasang kalamidad kung kaya’t nakatuon sa kahandaan ng mga Cagayano ang taunang pagdiriwang ngayon.
Mensahe rin ni Mamba na mahalaga ang paggunita sa selebrasyon dahil ito ang magbibigay inspirasyon at lakas ng loob upang mapaghandaan rin ang mga posibleng sakuna sa probinsya.
Isa sa prayoridad ng opisyal ang maisaayos ang Ilog Cagayan kung kaya’t patuloy niyang isinusulong ang programa sa Cagayan River Restoration.
Matatandaan inilunsad sa unang bahagi ng taong 2021 ang “I Love Cagayan River Movement: Seedlings of H.O.P.E. (Hub of Opportunities for People and the Economy).
Tampok rin ang “I Love Cagayan River” MTV/AVP kasabay ng tree-planting activities ng mga Agkaykaysa Organizations.
Bibigyang pagkilala naman ng provincial government ang ilang indibidwal o grupo dahil sa kanilang natatanging kontribusyon sa iba’t ibang larangan.
Sa Hunyo 30, magtatapos ang pagdiriwang sa isang Rescuelympics na pangangasiwaan ng Disaster Risk and Reduction Management (DRRM) sa Sport Complex Stadium.
Nanawagan naman ng pagkakaisa ang Gobernador sa mga Cagayano para sa adhikain ng paghahanda.