Kahandaan sa panibagong COVID surge, tinimbang ng 9 na presidential candidates

Nagbigay ng kani-kanilang pananaw ang siyam na presidential candidates na dumalo sa inorganisang debate ng Comelec hinggil sa kahandaan ng Pilipinas sa panibagong surge ng COVID-19.

Sabi ni Vice President Leni Robredo, dapat na natuto na tayo sa naging karanasan ng bansa sa nakalipas na dalawang taon

Una umano niyang tututukan ang pagpapaigting ng bakunahan at ang pagpapahusay pa ng testing, tracing at treatment.


Sinegundahan naman ito ni dating Defense chief Norberto Gonzales at iginiit ang pagsasaayos ng vaccine coverage.

Para naman kay Senator Panfilo Lacson, dapat na i-institutionalize sa bansa ang pandemic response para maging proactive ang gobyerno sa pagtugon sa mga krisis pangkalusugan sa hinaharap.

Muli rin daw niyang isusulong ang pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP) na hanggang ngayon ay pending pa sa Senado.

Sa pamamagitan nito, mapapalakas ng bansa ang research and development.

Ayon naman kay Manila Mayor Isko Moreno, gagamitin niya ang naitirang pondo mula sa Bayanihan 1 at 2 para bumili ng kagamitan, magtayo ng COVID-19 field hospitals at bumili ng gamot kontra COVID-19.

Ibig sabihin, matututunan ng mga Pilipino na mamuhay kasama ang COVID-19 at makabalik agad sa pagtatrabaho.

Aayusin din niya ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Pinaa-abolish naman ni lawyer-physician Jose Montemayor ang Inter-Agency Task Force (IATF) dahil sa mga naging polisiya nito na para sa kanya ay hindi tama gaya ng pag-ban sa mga nurse na makapangibang-bansa at sapilitang pagbabakuna.

Para naman kay Ka Leody de Guzman, hindi dapat sumandal ang gobyerno samga pribadong sektor sa pagtugon sa pandemya.

Aniya, hindi dapat ituring na negosyo ang krisis sa kalusugan.

Binigyang-diin din nito ang pangangailangan sa food security at gawing malusog ang mamamayan para may lakas silang labanan ang anumang uri ng virus.

Samantala, ayon kay Senador Manny Pacquiao, dapat na paigtingin pa rin ng gobyerno ang implementasyon ng minimum public health standards at contact tracing at pagsasara ng borders para hindi makapasok at lalong kumalat ang virus sa bansa.

Sa panig naman ng negosyanteng si Faisal Mangondato, dapat na maghanap ng gobyerno ng mga alternatibong gamot sa bansa para hindi tayo nakadepende lang sa bakuna.

Dapat din aniyang pakinggan ang mga health experts sa pagtugon sa pagbangon ng bansa sa gitna ng banta ng COVID-19.

Tutugunan naman ni dating presidential spokesperson Ernesto Abella ang COVID-19 pandemic na “less authoritative but more consultative.”

Bubuo umano siya ng “health security council” na kinabibilangan ng mga opisyal mula sa DOH, DILG, DTI at mga miyembro ng civil society para magsagawa ng mas maraming konsultasyon sa mga tao.

Mananatili rin aniyang backbone ng pagtugon na ito ang libreng mass testing, contact tracing at pagpapatupad ng mga lockdown.

Facebook Comments