Isang kahero sa Tokyo ang inaresto nitong Huwebes sa paratang na nagnakaw ng mga detalye ng credit card ng 1,300 customers gamit lamang ang kanyang memorya.
Ayon sa Tokyo Metropolitan Police, napag-alamang bumili si Yusuke Taniguchi, part-time worker sa isang mall sa Koto, sa online shopping site ng mga bag na nagkakahalagang 270,000 Japanese yen (P134,000) gamit ang detalye ng nakaw na credit card, nakaraang Marso.
Sa ulat ng SoraNews24, umamin si Tanaguchi sa naturang krimen at sinabing ibebenta niya sa sanglaan ang mga nabiling gamit.
Hinihinalang sinaulado ng kahero ang impormasyon sa mga credit card habang inaasikaso ang order ng mga customer.
Natagpuan din ng awtoridad ang notebook na naglalaman ng listahan ng mga card number.
Anim na araw nang nasa kustodiya ng pulis si Tanaguchi na hindi malinaw kung kumuha na ng kanyang abogado.
Bagama’t kakaiba ang kasong ito, nagkaroon na ng mas malaking insidente ng pagnanakaw ng credit card sa Japan.
Noong 2016, isang grupo ang gumamit ng nasa 1,600 pinekeng card at nakapagnakaw ng kulang-kulang P700,000,000 sa loob lamang ng dalawang oras.