Ipinaubaya na ng Palasyo ng Malacanang sa Department of Justice ang mga dapat gawin kaugnay sa pagsasabwatan umano ng ilang grupo at personalidad para siraan si Pangulong Rodrigo Duterte at palakasin ang kandidatura ng Ocho Diretso o ng oposisyon.
Naglabas kasi ang Malacanang kanina ng isang diagram o Matrix kung saan idinetalye doon kung paano ang naging galaw ng mga propaganda laban sa administrasyon kung saan lumutang ang mga pangalan ng ilang personalidad at grupo tulad ng liberal party at ng magdalo group na siyang nasa likod umano ng mga paninira sa administrasyon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, bahala na si Justice Secretary Menardo Guevarra na maglatag ng mga hakbang na dapat gawin sa mga dawit sa lumabas na matrix.
Paliwanag pa ni Panelo, ang matrix o diagram na kanilang inilabas ay batay sa intelligence information na natanggap ni Pangulong Duterte pero hindi naman matukoy ni Panelo kung kanino eksakto pero tiyak naman aniyang verified ang impormasyong ito.
Matatandaan na kabilang sa mga personalidad na nadawit sa matrix ay sina Jose Maria Sison, Senator Antonio Trillanes IV, dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda, Bam Aquino, Gary Alejano, at Ellen Tordesillas at iba pa.