Kahilingan na furlough ng nakakulong na si Reina Mae Nasino, binawasan ng korte

COURTESY: Kapatid

Mula sa tatlong araw, binawasan ng Manila Regional Trial Court at ginawang dalawang araw na lamang ang furlough para sa nakakulong na aktibistang si Reina Mae Nasino.

Ito ay epektibo ngayong araw ng Miyerkules (October 14, 2020) at sa Biyernes (October 16, 2020) na araw ng libing sa tatlong buwan na anak ni Nasino na si Baby River.

Kahapon, nauna nang pinagbigyan ni Manila RTC Branch 47 Judge Paulino Gallegos ang furlough ni Nasino.


Pero kinontra ito ng Manila City Jail Female Warden dahil limitado lamang ang kanilang tauhan na maaaring magbantay kay Nasino.

Sa hearing ngayong umaga, iginiit din ng City Jail ang usapin sa quarantine protocols na dapat sundin.

Delikado rin anila kung lalabas si Nasino dahil baka kung anong sakit ang madala nito kapag bumalik sa piitan.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), itinuturing din na high profile prisoner si Nasino.

Si Nasino ay naaresto at ikinulong noong nakalipas na taon, na nagkataong siya ay nagdadalang-tao.

Siya ay nanganak noong Hulyo, pero hindi niya nakapiling ang kaniyang sanggol dahil siya ay naka-detain.

Facebook Comments