Naiparating na ng Department of Justice (DOJ) sa pamahalaan ng Timor-Leste ang intensyon nito na mapatapon pabalik ng Pilipinas si dating Negros Oriental Third District Representative Arnolfo Teves Jr.
Sa isinagawang pagpupulong nina Timor-Leste President José Ramos Horta at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi ng kalihim na pormal na maghahain ng impormasyon ang Pilipinas sa Timor-Leste laban kay Teves na nahaharap sa murder case sa Negros Oriental at paglabag sa Anti-terrorism law.
Sa ilalim aniya ng batas na may kinalaman sa terorismo, ang isang miyembro ng United Nation Agreement ay may obligasyon na umakto bilang prosecuting country upang maibalik sa bansa ang hinahabol na akusado.
Matatandaan na mismong si Pangulong Ramos-Horta ang nagsabi na nakarating na sa kanilang Korte Suprema ang kahilingan ni Teves upang mabigyan ng asylum.
Kumpiyansa naman si Remulla na mapagbibigyan ang kahilingan ng Pilipinas dahil mismong si President Horta ang nagsabi na hihintayin nito ang isusumiteng impormasyon ng DOJ.