Inihayag ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat sundin ang panuntunan ng ahensiya at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang pahayag ng DILG ay bilang tugon na rin ng ahensiya sa liham ng budget officer ng Antipolo City Government na umaapela na gawin na lamang P3,000 ang ibibigay kada pamilya kahit apat o higit pa rito ang kwalipikadong benepisyaryo para umano mas marami ang makikinabang.
Pero giit ng DILG, hindi ito maaari sapagkat tukoy na at naibaba na ng DSWD National ang pinal na listahan kung sinu-sino ang tatanggap ng ayuda.
Paliwanag ng DILG, bagama’t lahat ay apektado ng pandemya, mayaman man o mahirap, pero may nakatakda nang panuntunang dapat masunod para rito.
Naka-post na rin sa Facebook ni Mayor Andeng Ynares ang listahan ng mga benepisyaryo sa buong Antipolo City sa pagberipika kung makakatanggap ba ng ayuda o hindi,upang hindi na mag-aksaya pa ng oras ang isang residente na maaari pang mahawaan o makahawa ng COVID-19.