Kahilingang TRO laban sa kautusan ng Malakanyang na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa pagdinig sa Senado kaugnay ng kontrobersyal na Pharmally, hindi inaksyunan ng Korte Suprema

Inatasan ng Korte Suprema sa halip na magpalabas ng Temporary Restraining Order o TRO, ang sangay ng Ehekutibo na idepensa ang pinaiiral na pagbabawal sa mga opisyal nito na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa kontrobersiyal na Pharmally.

Sa ginanap na En Banc Session ng mga mahistrado ng Korte Suprema kahapon, Nobyembre 16, kabilang sa pinaghahain ng komento sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Health Secretary Francisco Duque III.

Binigyan ng 30 araw ng Kataas-taasang Hukuman ang mga respondent upang isumite ang kanilang depensa o paliwanag.


Mahigpit ang tagubilin ng mga mahistrado na hindi dapat lumampas ng tatlumpung araw ang paghahain ng komento.

Una nang dumulog sa SC ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard J. Gordon, na ang layon ay ipadeklarang labag sa batas o unconstitutional ang pinalabas na memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Batay sa nasabing memorandum, binabawalan ang lahat ng opisyal at kawani ng Ehekutibo na dumalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee patungkol sa maanomalyang transaksiyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Hiniling din ng mga petitioner sa SC na magpalabas ng Temporary Restraining Order o TRO upang maharang ang implementasyon ng nasabing memorandum.

Facebook Comments