Kahit humina na ang pandemya, kalusugan prayoridad pa rin ng Lacson-Sotto

Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, layunin pa rin ng tambalang Lacson-Sotto ang pagbibigay ng malaking pondo sa sektor ng kalusugan para sa ganap na pagpapatupad ng Universal Healthcare Act.

Inihayag ni Partido Reporma presidential candidate Sen. Panfilo “Ping” Lacson at running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kung sila ang susunod na mamumuno, bukod sa Department of Education, ang Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health) ang nais nilang bigyan ng mas malaking bahagi ng pondo sa pambansang badyet.

“Dahil mag-tra-transition na tayo from pandemic to endemic, bigyan natin ng pansin ‘yung Department of Health. Ang budget ng Department of Health sa 2022 nasa P268 billion. Pero kung mag-fu-full investment tayo sa universal healthcare, ang kailangan doon P257 [billion]. So, nakita natin ‘yung gap kaagad,” ayon kay Lacson sa isang press conference nitong Huwebes.


“‘Yung P268 [billion] kabuuan na ‘yon. E ang pangunahing kasama sa aming plataporma, siyempre, hindi natin pwedeng iwanan ‘yung health kasi ang COVID-19 is the new normal. Whether it’s pandemic or endemic, we should always prepare for the next pandemic,” dagdag niya.

Bukod sa paghahanda para sa posibleng susunod na pandemya, makakatulong din ang pagbibigay ng kabuuang pondo para sa Universal Healthcare Act upang lahat ng mga barangay ay magkaroon ng mga klinika, ayon kay Lacson.

Bahagi ito ng mga plataporma ng tambalang Lacson-Sotto para itaguyod ang mga polisiya at istratehiya na “future-proof” o yung kayang labanan ang mga hamon ng nagbabagong panahon sa hinaharap.

Layunin nila na maging abot-kamay ng publiko ang mga serbisyong pangkalusugan, madagdagan ang sahod ng mga nurse, doktor at iba pang manggagawa sa mga lokal na ospital, gayundin ang pagbibigay ng kumpletong kagamitan, gamot, at kama sa lahat ng mga medical facility sa bansa.

Ayon pa kina Lacson at Sotto, 2018 pa nila naipasa sa senado ang nasabing batas pangkalusugan pero hindi pa rin ito ramdam, lalo na ng mahihirap nating kababayan.

Kaya naman sa kanilang krusada para sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno, target nila na wala nang babayaran ni-sentimo ang masang Pilipino sa mga pampubliko at pribadong ospital.

Nakaangkla rin ito sa kanilang isinusulong na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na layong bigyan ng malaking pondo ang mga local government unit upang maimplementa ang kanilang mga proyekto, programa at aktibidad para sa pag-unlad ng kanilang mga komunidad.

Facebook Comments