BINMALEY, PANGASINAN – Sa gitna ng umiiral na liquor ban, nabisto ng mga pulis ang modus ng isang lalaki na itinago sa loob ng kabaong ang kahon-kahong alak at isinakay pa sa karo ng patay.
Ayon kay Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Binmaley Police, napansin ng awtoridad na mabilis daw ang takbo ng sasakyan sa national highway ng lalawigan.
Iniwasan din umano ng drayber ang quarantine control checkpoint sa Barangay Gayaman.
Pagdating sa Barangay Biec, hinarang at sinita na siya ng kinauukulan doon dahil sinubukan daw nitong umiwas ulit sa checkpoint.
“Upon checking ng vehicle, ito’y naglalaman ng mga kahon ng 2 by 2. Alam naman natin sa panahon ngayon ay liquor ban pa rin,” pahayag ni Palisoc.
Nasa kostudiya ng Binmaley Police ang suspek na kakasuhan ng paglabag sa Bayanihan Heal As One Act.
Sa huling tala ng Provincial Health Office, mayroon nang 39 kaso ng COVID-19 sa Pangasinan, 27 dito ang naka-rekober, habang siyam naman ang nasawi.