
Kahon-kahong mga smuggled o puslit na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa Masbate nitong Martes Santo.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), sakay ng isang 10-wheeler truck ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Kho Container Port and Terminal Services, Inc. sa bayan ng Mobo.
Nagmula umano sa Bogo, Cebu ang mga ito at dumaan sa bayan ng Cawayan, Masbate bago nagtungo sa naturang pribadong pantalan.
Sabi ng PPA, nakatakda sanang isakay ang truck sa barkong patungong Pio Duran, Albay pero dito na natunugan ang posibleng pagpupuslit sa tulong ng K9 team mula sa Philippine Coast Guard (PCG).
Aabot sa 637 kahon ng smuggled na sigarilyo na naglalaman ng tig-500 kaha ang nakumpiska habang inaalam pa kung sino ang nasa likod ng iligal na operasyon.










