Humarap ang testigo na si “Sonny Boy” sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order patungkol sa pagpaslang ng Philippine National Police o PNP-Navotas sa menor de edad na si Jemboy Baltazar.
Si Sonny Boy ay kaibigan at kasama ni Jemboy sa bangka noong nangyari ang insidente na pinagbabaril sila ng mga pulis matapos na mapagkamalang suspek ang kanyang kaibigan.
Sa salaysay ni Sonny Boy sa pagdinig ng Senado, pinuntahan siya sa bahay at inaya siya ni Jemboy na lumaot at sumama naman siya dahil wala naman silang ginagawa ng araw na iyon.
Aniya, bandang ala-1:00 ng hapon habang sila ay naglilimas ng tubig sa bangka ay may narinig na putok ng baril si Jemboy at agad na bumaba sa bangka at inutusan siya ng kaibigan na silipin kung sino ang bumaril.
Tinukoy ni Sonny Boy si Staff Sgt. Gerry Maliban na siyang nakita niyang tumutok sa kanila ng baril at sinabihan sila na lumabas sa bangka dahil kung hindi ay papuputukan sila.
Nang hahakbang na sila para lumabas ng bangka ay pinaputukan sila ng sunud-sunod at sa tantya ng testigo ay tatlong beses silang pinutukan ng baril.
Kinumpirma rin ni Sonny Boy sa pagtatanong ni Senator Risa Hontiveros na walang komunikasyon na nangyari sa pagitan nila at ng mga pulis noong bigla silang pagbabarilin.