Manila, Philippines – Humingi ng panahon ang grupo ng employers para ipatupad ang bagong income tax.
Ayon kay Ramon Segismundo, presidente ng People Management Association of the Philippines (PMAP), kailangan kasi ng panahon para isaayos o i-adjust ang computer system ng mga kompanya para tumalima sa bagong sistema ng pagbubuwis.
Pero hindi aniya puwedeng gawin ng mga kumpanya na sa Disyembre o sa dulo ng taon na lang aayusin ang income tax ng mga empleyado.
Paliwanag ni Marissa Cabreros, tagapagsalita ng Bureau of Internal Revenue (BIR), hindi na kailangan ng revenue regulation dahil nasa website na nila ang patakaran na dapat sinimulan noon pang Enero 1.
Giit naman ni BIR Commissioner Caesar Dulay, puwede namang gawing mano-mano ang pag-compute sa take-home pay ng mga empleyado.
Aniya, kahit sa Pebrero o sa kalagitnaan pa ng taon babaguhin ang withholding tax ng mga empleyado, dapat retroactive ang pagiging epektibo nito o ibig sabihin, magsisimula pa rin ang kuwenta sa Enero 1.
Sa ilalim ng bagong batas, wala nang kaltas na income tax ang may kabuuang sahod na P250,000 kada taon o tinatayang P20,833 kada buwan.
May bawas din ang buwis ng mga self-employed o professionals na tumatanggap ng talent fee o professional fee.