Manila, Philippines – Hindi pa tuluyang masagot ng deretso ng Department of Finance ang komento o panukala ni Senador Frank Drilon para mapababa ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Sinabi kasi ni Drilon na maaari namang hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na payagan siyang suspindihin ang paniningil ng gobyerno sa Excise Tax sa petrolyo na nakapaloob sa TRAIN Law at maaari namang maglabas nalang ng Joint resolution ang kongreso na pumapayag sa kahilingan ng Pangulo.
Pero ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino sa briefing sa Malacañang, kailangan pa nilang isangguni kay Finance Secretary Carlos Sonny Dominguez ang nasabing panukala at kailangan din itong ipaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Lambino, sinisilip naman nila ang lahat ng dumarating na panukala para mapababa ang presyo ng petrolyo.
Paliwanag nito, kailangan kasing malaman ang lahat ng detalye at epekto ng mga panukala bago tanggapin o ipatupad ang mga ito.