Manila, Philippines – Hinikayat ni Senator Franklin Drilon ang Administrasyong Duterte na repasuhin ang polisya ng pagpapakabait sa China sa kabila ng patuloy nitong militarisasyon sa West Philippine Sea at pagharass sa mga Pilpinong mangingisda ng Chinese Coast Guard.
Diin ni Drilon, sa kabila ng hindi natin pagpalag sa China ay kakapiranggot lang naman ang pakinabang natin dito.
Ayon kay Drilon, base sa record, ang Foreign Direct Investment o FDI ng China sa Pilipinas noong 2017 ay nasa $31 million lamang kumpara sa Japan na $600 million, at Amerika na $160 million.
Giit ni Drilon, dapat tularan ng Pilipinas ang Vietnam na palaban at hindi naduduwag pero pinaglagakan ng China ng $2.170 billion na pamumuhunan noong 2017.
Binanggit pa ni Drilon na dehado din ang Pilipinas maging sa tourist arrivals ng China na umaabot lang sa kulang kulang isang Milyon noong nakaraang taon habang 4-na milyon ang Chinese na bumibista sa Vietnam.