Kakapusan sa syringe sa buong mundo para sa COVID-19 vaccine, dapat remedyuhan agad ng gobyerno

Nababahala si Senator Imee Marcos na makadiskaril sa vaccination program ng pamahalaan ang napaulat na kakapusan sa syringe sa buong mundo na ginagamit sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine.

Dahil dito ay iginiit ni Marcos sa pamahalaan na agapan ang paghanap ng remedyo sa kakapusan sa syringe tulad ng low dead space (LDS) syringe na nakakatulong para maiwasan ang pagkasayang ng doses ng bakuna.

Diin ni Marcos, dapat maging maagap dito ang pamahalaan sa harap ng inaasahang pagdating ng milyon-milyong COVID-19 vaccine sa bansa sa mga susunod na buwan.


“Magandang balita ang pagbili ng 40 milyong doses mula sa Pfizer pero mayroon bang sapat na low dead space syringe na kinakapos na ngayon sa United States mismo?” ani Marcos.

Binanggit ni Marcos na ang ating domestic supply ay umaasa sa importasyon kaya ang gastos para dito ay hamon na sa Department of Health (DOH) mula pa noong unang bahagi ng taon ng pandemya.

“Sana ang ating supply ay hindi makapagpapahinto sa ating vaccination program,” dagdag pa ni Marcos.

Ayon kay Marcos, ang mahigit sa 75% ng mga syringe na ginagawa ng pinakamalaking manufacturer sa Pilipinas ay ini-export sa North America.

“Dinaragdagan ngayon ng mga manufacturer ng syringe ang kanilang produksyon dahil sa banta na ang kakapusan nito ay magpapabagal sa pagkamit ng herd immunity kung dadami ang mga COVID-19 variants na magiging sanhi ng bagong mga ‘wave’ ng impeksyon,” sabi ni Marcos.

Mungkahi ni Marcos, mag-advance order na dapat ng pamahalaan para sa mga low dead space syringe, panatilihin ang pagbakuna sa mas maraming tao, at isulong pa ang mas agresibong information campaign para makamit natin ang herd immunity ngayong taon.

Facebook Comments