Kakapusan sa tubig, iimbestigahan ng oversight committee sa Kamara

Manila, Philippines – Magsasagawa ng oversight hearing si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hinggil sa nakaambang kakapusan sa tubig.

Sa kanyang huling linggo bilang Speaker, humirit ng oversight committee hearing bukas si Speaker Arroyo kung saan inimbitahan nito ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems (MWSS), National Water Resources Bureau (NWRB), Local Water Utilities Administration (LWUA), National Irrigation Authority (NIA), Departments of Agriculture, Budget and Management, Environment and Natural Resources at Public Works and Highways, gayundin ang NEDA at ang Manila Water at Maynilad.

Nauna dito ay nakausap ni Arroyo si LWUA acting Administrator Jeci Lapus para humingi ng mga solusyon sa problema sa tubig sa Angat Dam gayundin ng long-term measures para maiwasan ang krisis sa tubig.


Kasama rin sa agenda bukas ay ang panukalang paglikha ng Department of Water na pag-aaralan na ng komite para mabilis na maaksyunan sa susunod na Kongreso.

Nitong weekend ay umabot na sa critical level ang antas ng tubig sa Angat Dam, na siyang nagsu-supply sa Metro Manila at Central Luzon.

Bilang resulta, nabawasan na ang alokasyon ng tubig sa Kamaynilaan habang hindi na rin nakatatanggap ng tubig ang mga irigasyong konektado sa dam.

Facebook Comments