KAKASUHAN | Customs broker na si Mark Taguba, pinasasampahan ng kasong kriminal

Manila, Philippines – Pinasasampahan na ng kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) ang customs broker na si Mark Taguba at walong iba pa dahil sa naipuslit na P6.4 bilyong halaga ng shabu galing China noong 2017.

Sa 26 na pahinang resolusyon ng DOJ na may petsang August 15 na pirmado ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, officer-in-charge prosecutor general, nakasaad na nakitaan ng DOJ ng probable cause para kasuhan sina Taguba, Chinese businessman Chen Julong alyas Richard Tan na siyang chairman at general manager ng forwarder na Hongfei, Irene Mae Tatad na siyang may-ari ng EMT Trading, Teejay A. Marcellana na isang registered broker, Li Guang Feng alyas Manny Li na siyang nagproseso ng paglalabas ng shabu shipment mula sa BOC, Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong na kumausap kay Taguba, Fidel Anoche Dee na consignee ng shipment at Chen Min at Jhu Ming Jyun na mga umuupa sa warehouse na pinaglagyan ng shabu shipment.

Mahaharap sina Taguba sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, partikular ang Section 1400 o ang misdeclaration, misclassification at undervaluation of goods declaration; Section 1401 na may kaugnayan sa Section 118 (G) o ang unlawful importation or exportation at Section 1401 o ang facilitating the transportation of articles imported in violation of the law.


Batay sa resolusyon ng DOJ, makikita sa pinagsama-samang salaysay ng mga akusado sa kanilang naging partisipasyon, na bagaman hindi umano nila alam na shabu pala ang laman ng kargamento ay nagkaroon sila ng conspiracy para mailabas ang shabu shipment mula sa loob ng customs.

Maliban rito, alam rin raw ng mga akusado na iligal ang naturang importasyon.

Facebook Comments