KAKASUHAN | Kaso laban sa madrasta na nambugbog sa 3-anyos na bata, isasampa ng DSWD

Manila, Philippines – Kakasuhan na ng DSWD ang stepmother na gumulpi sa tatlong taong gulang na batang babae sa Dasmarinas, Cavite na naging viral sa social media.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development Secretary Virginia Orogo, kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang kanilang isasampa matapos nang kunan ng statement ang lola ng bata na siyang nagreklamo laban sa madtrasta nito.

Nangako din ang DSWD na tulungan ang bata sa kanyang pangangailangan at gastusin pati na ang bayarin sa hospital kung saan ito sinuri at ginamot noong Agosto 10.


Base sa inisyal na report ng DSWD Field Office CALABARZON, nasa pangangalaga ngayon ng lola o grandaunt ang bata at batay sa napagkasunduan, maaari lang siyang bisitahin at hiramin ng kanyang ama.

Anim na buwang gulang pa lang ang bata ng maghiwalay ang kanyang mga magulang at nakaranas na ito ng pagmamalupit sa kanyang stepmother pero pinabulaanan ito ng kanya ama.

Umapela na rin sa publiko si Orogo na iwasan na rin ang pag post ng child abuse cases sa social media na makakapagdulot lamang ito ng trauma sa halip ay isumbong na lamang ito ng direkta sa DSWD para sa kaukulang aksyon.

Facebook Comments