Manila, Philippines – Magsasagawa ng backtracking investigation ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa nasabat na ₱4.3 billion shabu sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, inihahanda na ng ahensya ang kaso laban sa consignee na Vecava Trading na pag-aari Vedasto Cabral Baraquel.
Miyembro si Baraquel ng sindikatong tinutugis ng ahensya mula pa taong 2011.
Sinabi rin ni Aquino, na maaring may lima pang malalaking shipment ng droga ang ipinasok sa bansa na patuloy nilang iniimbestigahan.
Hindi rin nila isinasantabi ang inside job kaya naipuslit ang shabu shipment.
Sa datos ng PDEA, aabot na sa ₱400 million ang nasawata nila mula sa international couriers mula sa mga paliparan habang bilyu-bilyong piso naman mula sa mga pantalan.