Pormal na inireklamo sa Office of the Ombudsman ng Philippine Federation of the Deaf (PFD) si Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson.
Ayon kay Carolyn Dagani, presidente ng grupo, kasong paglabag sa Magna Carta for PWDs at sa Code of Conduct for Public Officials ang isinampa nila laban kay Mocha kaugnay ng kontrobersyal na video kung saan ay ginawang katawa-tawa nina Uson at Drew Olivar ang sign language.
Sinabi pa ni Dagani na hindi nila tanggap ang paghingi ng paumanhin ng dalawa.
Para sa PFD, isang pagyurak sa dignidad ng mga may kapansanan ang ginawa nina Uson.
Tinawag pa nila na disgrace o malaking kahihiyan si Uson sa PCOO dahil sa halip na manguna ito sa pagprotekta sa karapatan ng mga bulnerableng sektor ay sinaktan pa ang damdamin ng mga ito.
Hindi naman isinama sa complaint si Drew Olivar na kasama ni Uson sa panggagaya sa sign language ng deaf community.
Apela ng grupo sa mga fans, huwag nang tularan pa ang katulad ni Uson.
May hiwalay na reklamo ang grupo sa Commission on Human Rights (CHR), na nagpahayag na iimbestigahan ang kaso.