Isinisisi ng Department of Education sa mababang pondo para sa school building program ang mababang bilang ng mga naitatayong classrooms at gusali ng mga paaralan.
Sa pagharap ng DepEd sa budget briefing para sa 2020 P4.1 trillion national budget, sinabi ni Education Undersecretary Alain Pascua na nasa P259 billion ang budget proposal ng ahensya sa programa subalit p36 billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.
Aniya, simula 2018 hanggang 2019 ay nagkaroon ng budget cut sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan dahilan kaya kakaunti lamang ang mga naitatayong school buildings at classrooms.
Umaasa ang DepEd na madagdagan pa ang pondo ng kagawaran para sa pagpapatayo ng mga bagong paaralan sa ilalim ng nasabing programa.
Ipinauubaya naman sa Kongreso ang pagre-allocate ng pondo para sa mga bagong classrooms bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga estudyante taon-taon.