Hiniling ni Anakalusugan Party-list Rep. Rey Reyes sa Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth na paigtingin ang paghikayat sa mas maraming “providers” na magpa-accredit at maging bahagi ng Konsultasyong Sulit at Tama o “Konsulta Package Program.”
Ayon kay Reyes, napakahalaga ng programang ito ng PhilHealth dahil nabibigyan nito ng serbisyo ang ating mga kababayan lalo na sa mga lugar na hindi madali ang access sa primary healthcare.
Tinukoy ni Reyes na base sa PhilHealth Circular 2020-0022, sakop ng Konsulta Package ang “initial at follow-up primary care consultations, health screening at assessment, at iba pa sa ilang piling diagnostic services at gamot.
Pero giit ni Reyes, dahil kulang ang providers na accredited sa programa ay hindi nito maserbisyuhan ang madaming PhilHealth members.
Binanggit ni Reyes na batay sa pinakahuling datos ng PhilHealth noong March 31, 2023, nasa 1,931 pa lamang ang accredited Konsulta providers mula sa 5,014 na dapat naka-enroll sa programa.
Kaugnay nito, umapela si Reyes sa Kamara na ipasa na agad ang kanyang House Bill No. 430 o panukalang libreng “annual medical check-ups” kabilang ang blood sugar at cholesterol tests para sa lahat ng mga Pilipino.