Kinwestyon ni Senador Imee Marcos ang Department of Agrarian Reform (DAR) kung bakit tanging 33 scholarship grants lang ang inaprubahan nito gayong libo-libo ang mga batang benepisyaryo ng land reform ang nag-apply.
Dismayado si Marcos na mas maraming nabigo kaysa natuwa na nataon pa ngayon na nagmahal ang edukasyon dahil sa pandemya.
Dahil dito ay nasambit ni Marcos na nakakawalang ganang ipagdiwang ang ika-49 taong paglunsad ng Presidential Decree 27 sa land reform program sa bansa.
Binigyang diin ni Marcos na nasa P2.357 million lang ang nagastos para sa mga scholarship grant gayong nakatengga lang ang nasa P800 million na pondo ng DAR sa kontrobersyal na Procurement Service-Departmnt of Budget and Management (PS-DBM).
Bunsod nito ay iminungkahi ni Marcos sa DAR na taasan ang pondo para sa scholarship grants sa ilalim ng panukalang badyet nito sa 2022.