Palalakasin pa ng pamahalaan ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa panlabas na depensa o external defense ng bansa.
Ito ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 10th Infantry Division sa kaniyang pagbisita sa Mawab, Davao de Oro kahapon.
Ayon sa pangulo, bagama’t nabawasan na ang panloob na banta na kinahaharap ng bansa ay kailangan na ring tutukan ang mga external threat sa bansa.
Hindi naman aniya makikipag-giyera ang bansa sa kahit na kanino pero nais lang na pamahalaan na depensahan ang bansa laban sa mga panlabas na banta at ibang istratehiya aniya ang kailangan para dito.
Kaugnay nito, nakasisiguro aniya ang AFP na ibibigay ng pamahalaan ang kakailanganing pagsasanay, resources, at kagamitan, para palakasin pa ang kanilang hanay.
Tiniyak din ng pangulo, na gagawin ng civilian government ang lahat para masuportahan ang hanay ng AFP.