Pinabubusisi ni Senator Sonny Angara sa Senado ang estado ng kakayahan ng bansa sa pagsasagawa ng COVID-19 genome sequencing at biosurveillance.
Hakbang ito ni Angara sa harap ng pinangangambahan na makapasok sa Pilipinas ang Omicron variant na kumakalat na sa iba’t ibang bansa.
Sa inihaing Senate Resolution 759 ay binigyang-diin ni Angara na sa pamamagitan ng mahusay na genome sequencing at biosurveillance ay agad nating made-detect ang Omicron variant at agad tayong makakagawa ng kailangang aksyon.
Tinukoy ni Angara na sa ngayon ay 750 samples lamang kada linggo ng COVID-19 cases sa buong bansa ang kayang suriin.
Dismayado si Angara na napakababa nito na isang porsyento lamang at malayo sa five percent na ideal sequencing rate na itinakda ng Philippine Genome Center ng University of the Philippines.
Kasabay nito ay nanawagan naman si Angara sa lahat na manatiling mapagbantay at huwag maging kampante lalo na ngayon na binubuksan na natin ang ekonomiya at mas marami na ang lumalabas sa pampublikong lugar.