KAKULANGAN NG DUGO SA PHILIPPINE RED CROSS CAUAYAN, PATULOY NA TINUTUGUNAN

CAUAYAN CITY- Nagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng dugo sa Philippine Red Cross Cauayan Branch kung kaya’t puspusan ang pagsasagawa ng blood letting activity.

Sa panayam ng IFM News Team kay Jojie Samson, Medical Technologist ng Philippine Red Cross Cauayan, ibinahagi niya na noong buwan ng Enero ay nakapagsagawa sila ng isang blood letting activity sa Our Lady of Pillar College Cauayan kung saan mga criminology students ang naging donors. Sa nasabing aktibidad, nakalikom sila ng limampung bags ng dugo.

Bagamat marami-rami ang nakukuhang dugo mula sa mga blood letting activities, aminado sila na hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang patuloy na pangangailangan ng dugo.


Ayon kay Samson, marami pa ring pasyente ang dumadayo sa kanilang opisina upang humingi ng dugo, kabilang na ang mga dialysis patients, mga nagdadalang-tao, at mga pasyenteng sumasailalim sa operasyon.

Dahil dito, muling nagsagawa ng blood letting activity ngayong araw, ika-31 ng Enero sa SDO Echague kung saan mga estudyante at guro ang naging donors upang makatulong sa patuloy na pangangailangan ng dugo sa kanilang komunidad.

Facebook Comments