Lumiit ang kakulangan sa pondo o budget deficit ng bansa nitong nagdaang buwan ng Agosto.
Ang budget deficit ay ang mas mataas na halaga ng gastusin kaysa sa kinita ng gobyerno.
Batay sa tala ng Bureau of Treasury, may 72 bilyong piso budget deficit nitong August, 2022 kumpara sa 120.9 bilyong piso noong nakalipas na taon sa parehong panahon o kabawasan ng 48.9 bilyong piso.
Sa ulat ng Bureau of Treasury, ang pagliit ng kakulangan sa pananalapi ng bansa ay resulta ng bumabang 28.23% na bayarin ng gobyerno na sinabayan ng mabagal na paggastos na naitala sa 6.39%.
Ang year to date budget deficit naman o mula Enero hanggang ngayong araw ay lumiit din sa 833 bilyong piso kumpara sa 958.2 bilyong pisong naitala noong panahon ng Enero hanggang Agosto ng 2021.
Kaugnay nito, tumaas naman ang koleksyon o kita ng gobyermo nitong Agosto na naitala sa 332.4 bilyong piso, mataas ng 28.23% mula sa dating 259.3 bilyong piso.
Resulta umano ito ng mataas na tax at non-tax collections.
Ayon sa Bureau of Treasury, malaking bahagi ng koleksyon ay mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na 228.9 bilyong piso.
Sa Bureau of Customs (BOC) naman ay lumago rin ang koleksyon nito na naitala sa 78.9 bilyong piso.
Ang koleksyon naman ng BOC mula Enero hanggang Agosto ay kumakatawan sa 78% ng kanilang 721.5 bilyong pisong target para sa kabuuan ng 2022.