Manila, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang anim na dayuhang iligal na nagtatrabaho sa bansa.
Ayon kay B.I. Commissioner Jaime Morente – dinakip ang mga dayuhan sa bisa ng mission order sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila at Bulacan.
Kabilang sa naaresto ang Babaeng Chinese na si Cai Nongnong matapos makuhanan ng pekeng Philippine Passport sa bisinidad mismo ng B.I. main office sa Maynila.
Nabatid na overstaying na sa bansa si Cai at gumagamit ng pekeng pasaporte na may pangalang Jasmin Tan Lui.
Kinilala naman ang limang iba pa na sina Guanxi Zheng, Honghong Zhuang, Jianmin Wu, Zhidan Gao na pawang mga Chinese at ang Korean National na si Hyun Seung Kim.
Nadakip sila sa Guiguinto, Bulacan matapos maaktuhang nagtatrabaho sa pagawaan ng bag at tsinelas na walang visa.