Quezon City – Natimbog sa anti-illegal drugs operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking anak ni actor/comedian at director na si Dinky Doo dahil sa umano ay pagtutulak ng ilegal na droga.
Hindi na nakapalag pa nang maaresto sa loob ng kanyang inuupahang kwarto sa Palawan Street Barangay Pag-Asa, Quezon City si Michael Clarion alias “Kelo”.
Ayon kay QCPD District director Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, aabot sa 800 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng halos 100-libong piso at mga drug paraphernalia ang nasamsam kay Kelo.
Kasama rin sa nahuli sa ikinasang buy-bust operation ang dalawang kasabwat ni Kelo na kinilalang sina Junard Salas at Jerome Lorenzo.
Si Dinky Doo ay naging direktor ng pelikulang DAD o Durugin ang Droga noong 2017 na humihikayat sa mga kabataan na huwag gumamit ng bawal na gamot.
Nakatakdang isampa sa piskalya ngayong araw ang patung-patong na kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 ng RA. 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong suspek.