Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Cagayan Valley Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon ng kanilang ospital sa usapin ng mga pasyenteng kanilang binabantayan dahil sa COVID-19.
Matatandaan na ipinaalam sa publiko ang kalagayan ng ospital kung saan patuloy ang pagsipa ng mga pasyenteng tinatamaan ng virus.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Baggao, nananatili pa rin sa 100% ang occupancy rate ang ICU COVID ward.
Dagdag niya, sa kasalukuyan ay marami pa rin ang mga pasyenteng nasa waiting area kung saan naghihintay para ma-admit sa mga kwarto upang magpagaling.
Bukod pa dito, patuloy rin aniya ang kanilang pagtanggap sa mga tawag mula sa command center kung saan inaalam kung may bakante pang mga kwarto para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Samantala, sa harap aniya ng mahigpit na pagpapatupad sa health protocol sa Tuguegarao City ay tila mas umakyat pa umano ang bilang ng mga naitalang kumpirmadong kaso noong isinailalim ang lungsod sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).