Kalagayan ng R2TMC, Nakakaluwag na

Cauayan City, Isabela- Bahagyang nakakaluwag ang sitwasyon ng Region II Trauma and Medical Center (R2TMC) na pinagdadalhan sa mga COVID-19 positive patients sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, kanyang sinabi na nakakahinga na ang R2TMC dahil sa pagbaba ng bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 nitong mga nakalipas na tatlong araw.

Umaasa naman ito na magpapatuloy ang mababang bilang ng mga bagong kaso dahil kung hindi aniya ito mapigilan ay tiyak na mamomroblema ang ospital at ng pamahalaang panlalawigan.


Gayunman, nakahanda pa rin aniya ang provincial government sa posibleng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Lalawigan kung saan mayroon naman aniya silang inihandang plan B.

Sakaling magpapatuloy ang pagdami ng magpopositibo sa Lalawigan ay gagamitin na ang kanilang itinayong evacuation center bilang isolation area.

Samantala, nilinaw ni Governor Carlos Padilla na wala nang naitalang panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) ang Nueva Vizcaya matapos itong ma-contain ng pamahalaang panlalawigan.

Facebook Comments