Kalahati ng mga flight sa NAIA, dapat mailipat na sa Clark sa taong 2025 – Rep. Libanan

Iginiit ni House Minority Leader at 4Ps Party-list representative Marcelino Libanan sa gobyerno ang pangangailangan na mailipat sa Clark International Airport ang 50% ng mga flight sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA pagsapit ng 2025.

Isa sa mga layunin ng mungkahi ni Libanan, ay upang hindi maperwisyo ang maraming mga pasahero sa sandaling maulit ang technical glitch sa NAIA na nangyari nitong unang araw ng taong 2023 o kaya ay kung may malaking eroplano ang bumalahaw sa runway nito.

Tinukoy ni Libanan ang pag-recover ng global air travel at ang pagtaya ng International Air Transport Association na pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa paliparan sa 101% pagsapit ng 2025 mula sa bilang nito bago nangyari ang pandemya.


Diin ni Libanan, may kakayahan ang Clark International Airport na makapag-operate ng mas maraming flights bukod pa sa malapit din ito sa Metro Manila gamit ang mga expressway.

Ayon kay Libanan, ₱10-billion ang inilaan ng Bases Conversion and Development Authority para ganap na ma-develop ang Clark bilang alternate gateway, mabawasan ang congestion sa NAIA at ma-accommodate ang lumalaking passenger traffic.

Facebook Comments