Umaabot sa P500,000 ang halaga ng tulong ang naipagkaloob ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng Bagyong Neneng.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bulto ng tulong ay ibinigay sa mga apektadong residente ng Cordillera Administrative Region.
Base pa sa ulat ng NDRRMC, 386 na family food packs ang naipamahagi sa Calanasan, Apayao, 186 family food packs sa Flora, Apayao at 69 family food packs sa Santa Marcela, Apayao.
Nakapagmahagi rin ng relief assistance ang LGU sa mga naapektuhan sa Baguio City.
Sa ngayon, mayroon pang P1.2 billion standby funds ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa anumang sakuna o kalamidad kung saan mahigit sa P866-M ang quick response funds sa DSWD habang nasa P343-M ay available na quick response fund sa OCD.