Bilang ng kaso ng COVID-19 na naitala sa nakalipas na linggo, tumaas ayon sa DOH

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 15,314 na kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.

Mas mataas ito ng 981 cases kumpara sa 14,333 na kasong naitala noong October 3 hanggang 9.

Lumalabas na nasa 2,188 ang average COVID-19 cases kada araw nitong October 10 hanggang 16, mas mataas ng 7% kumpara sa nakaraan pang linggo.


Samantala, bumaba sa 1,938 na bagong kaso ng sakit ang naitala kahapon ng DOH mula sa 2,321 new cases nitong Linggo.

Sa kabuuan, umakyat na sa 3,984,815 ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa kung saan 3,895,420 na ang gumaling habang 25,848 naman ang patuloy na nagpapagaling.

Nadagdagan naman ng 37 na bagong nasawi dahil sa virus dahilan para sumampa sa 63,297 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 related deaths sa bansa.

As of October 16, nasa 13.4% ang positivity rate ng bansa sa COVID-19.

Facebook Comments