Itinuturing ni Senate President Tito Sotto III na pinakamalaking hamon na kinakaharap natin ngayon ay ang maging malaya mula sa ilegal na droga.
Mensahe ito ni Sotto kaugnay sa ipinagdiriwang ngayon na ika-121 anibersaryo ng ating kasarinlan.
Para naman kay Senator Joel Villanueva, patuloy pa rin tayong nakikipaglaban sa mga problema ng lipunan tulad ng mga nangyayaring pag-abuso, korapsyon, kawalan ng oportunidad, hindi ligtas na work environment at pag-agaw ng ilegal foreign workers sa mga trabaho na para sa manggagawang pilipino.
Apela naman ni Senator Risa Hontiveros, pahalagahan ang demokrasya at kalayaan mula sa panggigipit, pag-abuso at karahasan na pawang mga ipinaglaban ng ating mga bayani.
Sa tingin naman ni Senator Loren Legarda, kahirapan ang pangunahing pagsubok na dapat nating malampasan.
Katwiran naman ni Senator Kiko Pangilinan, ano ang halaga ng kalayaan kung ang ating mga kababayan ay salat sa pagkain, trabaho, at katarungan.
Diin ni Senator Leila De Lima, hindi tayo ganap na malaya dahil sa mga nangyayaring pagyurak sa karapatang pantao, at ang tila pamimigay sa ating teritoryo at mga trabaho sa dayuhan.
Binanggit din ni De Lima ang panggigipit at pagpapakulong sa mga kritiko ng gobyerno, mga kaso ng pagpatay sa mahihirap at paglapastangan sa ating mga institusyon at Konstitusyon na pundasyon ng ating demokrasya.
Panawagan naman ni Senator Win Gatchalian, pahalagahan ang buhay na inialay ng ating mga kababayan para sa kasarinlan na tinatamasa natin ngayon sa pamamagitan ng pagiging mabuting tao, sa kapwa at sa bansa.