Cauayan City, Isabela- Maglalaan ng pondo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela para sa gagamitin ng mga mag-aaral sa pagbili ng ilang kagamitan na makakatulong sa kanila sa darating na pasukan sa Agosto 24.
Ayon kay Governor Rodito Albano III, nais nito na hindi mahuli sa kung anong makabagong pamamaraan ang gagawin ngayon sa ‘new learning’ sa mga mag-aaral.
Aniya,kinakailangan na iparamdam sa mga estudyante ang kanilang kahalagahan lalo pa’t bago para sa kanila ang paraan na gagawin ng Department of Education dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Binigyang-diin pa ni Albano na mahalaga ang ambag ng mga kabataan sa lipunan sa mga susunod na henerasyon.
Giit pa nito, hindi naman masama ang walang pinag-aralan subalit higit na mas magiging maganda ang kinabukasan ng isang bata kung may natapos sa pag-aaral.
* ‘Tagumpay na makapagtapos sa pag-aaral ang bawat Isabeleño ay tagumpay din Probinsya ng Isabela’ dagdag niya.*
Tinitiyak naman ng opisyal na tuloy-tuloy ang pagtulong sa mga kabataan lalo pa na sila ang pag-asa ng bayan.