Muling iginiit ng Schools Division Office ng San Fernando City, La Union ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga polisiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa anumang uri ng karahasan matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng silid-aralan sa Nueva Ecija.
Sa naging panayam ng IFM News Dagupan kay San Fernando City Schools Division Superintendent Dr. Shiela Marie Primicias, mahalagang maging katuwang ng mga paaralan ang bawat stakeholders at magulang para sa kabuuang ikabubuti ng mga mag-aaral.
Pagbabahagi nito, ilan sa mga ipinapatupad sa mga paaralan sa lungsod ang No Backpack Policy o paglilimita sa kagamitang ipinapasok sa paaralan upang hindi makapagdala ng mga armas, sigarilyo at iba pang ipinagbabawal na kagamitan.
Kabilang pa dito ang inilunsad na SafeSpeak kung saan malayang makakapagdulog ng anumang problema ang mga mag-aaral; Project SAGIP at Spiritual and Moral Recovery Program para sa kooperasyon ng mga magulang at stakeholders.
Alinsunod ang mga polisiya sa mandato ng Department Of Education na paghihigpit sa seguridad sa mga paaralan.
Giit pa ng opisyal, nararapat lamang ang agarang pagkilos bago pa may masaktan para sa kapakanan ng bawat mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments









