Kalihim ng DepEd, mayroong paglilinaw tungkol sa Teenage Pregnancy Prevention Bill

Nilinaw ngayon ni Education Secretary Sonny Angara na hindi siya naghain ng anumang bersyon tungkol sa Teenage Pregnancy Prevention Bill.

Ito ay dahil inamin ng Kalihim na kabilang siya sa co-author ng nasabing bill dahil sa noong panahon na ang committee report ay naihain, siya ay Chairman ng Finance Committee, at ang naturang bill ay kabilang sa Section on Appropriation.

Ayon kay Secretary Angara, noong siya’y senador ay nakikinig siya sa mga mungkahi ng mga kasamahan niyang senador at stakeholders at hanggang ngayon aniya bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon ay patuloy ang kanyang pakikinig kung saan bukas ang pintuan ng DepEd para sa pahayag at mungkahi, lalo na kung may tiyak na detalye.


Paliwanag pa ng Kalihim, bilang nagpapatupad na ahensiya, sinusunod nila ang legislative developments na maaaring makaapekto sa kanilang polisiya.

Tinitiyak din ni Angara na balanse ang kanilang pananaw at pagpapatupad sa mga hakbangin na makatutulong sa mga kabataang mag-aaral.

Naniniwala ang Kalihim na sa aktibong pakikilahok ng mga magulang sa pagkatuto ng mga mag-aaral ay malaking tulong ito upang maging maayos ang mga estudyante.

Facebook Comments