Kalituhang dulot ng mga direktiba ng bagong kalihim ng itatatag pa lang na Department of Migrant Workers, kailangang aksyunan ni Pangulong Duterte

Nananawagan si Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Pangulong Rodrigo Duterte para aksyunan ang magulo at nakakalitong mga kautusan ni newly appointed Secretary Abdullah Mama-o ng Department of Migrant Workers o DMW na itatatag pa lang.

Apela ito ni Drilon sa pangulo, makaraang alisin ni Mama-o ang ban sa pagpapadala ng bagong hired na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia na taliwas sa direktiba ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Giit ni Drilon, kailangang mamagitan na si Pangulong Duterte alang-alang sa sektor ng paggawa at sa proteksyon ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.


Ayon kay Drilon, anumang polisiya na ipapatupad ni Mama-o ay iligal dahil ang DMW na pinamumunuan nito ay hindi pa lubos na naitatatag.

Paliwanag ni Drilon, malinaw sa batas na mayroon pang transition period o panahon ng pagbuo sa DMW na dapat kilalanin at irespeto ni Mama-o.

Diin ni Drilon, lumalabas ngayon na si Mama-o ay miyembro lang ng transition committee para sa pagtatayo ng DMW at hindi pa siya maituturing na isang full pledged secretary.

Facebook Comments