Kaliwa dam project ,pinahinto at pinarepaso ng COA dahil sa iregularidad

 

NAIS ng Commission on Audit (COA) na marepaso ang China-funded Kaliwa Dam project dahil sa kawalan ng patunay na hindi makapipinsala sa kapaligiran ang pagpapatupad nito.

Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa dam project habang ang Kaliwa Dam ay bahagi ng New Centennial Water Source program na nangakong magkakaloob ng 600 million liters ng tubig kada araw sa Metro Manila.

Ang COA ay may mandatong i-audit ang financial transactions ng pamahalaan.


Ayon sa COA, itinuloy ng MWSS ang P12.2-billion Kaliwa Dam project sa Infanta, Quezon sa kabila ng kawalan ng patunay ng pagsunod sa environmental prerequisites at pagsusumite ng mga kinakailangang permit.

Sa kanilang 2020 annual audit report, sinabi ng COA na bagama’t nakakuha ang NCWS KDP ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ay hindi nito nakumpleto ang aplikasyon nito ng mandatory permits mula sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Ang naturang mandatory permits ay kabilang sa mga kondisyong itinakda sa pag-iisyu ng ECC.

Ayon sa COA, lumitaw sa records na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ECC sa MWSS noong October 11, 2019.

Gayunman, sinabi ng state auditors na hindi nakapagsumite ang MWSS ng patunay na nakasunod ito sa mga kondisyon at restriksiyon na itinakda sa ECC. Bagama’t nagsumite ang MWSS ng mga dokumento noong May 20, 2021, hindi umano ang mga ito ang hinihingi ng tDENR.

“MWSS management simply provided a checklist or a compliance monitoring report (CMR) without any supporting document (e.g. permits) to show compliance with the ECC,” ayon sa COA.

Noong 2019, ang pamahalaan ay nakakuha ng US$283.2 million loan deal mula sa China upang itayo ang Kaliwa Dam, isang flagship project ng ‘Build Build Build’ infrastructure program ng gobyerno.

Ang China Energy Engineering Corporation Limited, isang Chinese contractor, ang napiling magtayo sa dam. Ang partisipasyon nito sa proyekto ay tinuligsa dahil sa paglabag sa Philippine procurement laws at sa Constitution na nagtatakda ng preference para sa Filipino contractors at workers na “equally if not more than qualified.”

Marami ang tumututol sa pagtatayo ng dam dahil tinatayang 1,465 pamilya ng Dumagat-Remontado indigenous peoples (IPs) sa Rizal at Quezon ang mawawalan ng tirahan.

Nang ipalabas ang contract documents ng dam noong 2019, nagbabala ang civil society groups na naglalaman ito ng mga probisyon na pumapabor sa China.

Maging ang ilang Catholic bishops sa bansa ay nagpahayag ng pagkabahala na ang proyekto ay makabubuti lamang sa Chinese investors.

Facebook Comments