Kalusugan at kaligtasan ng mga guro at mga mag-aaral, ipinapaprayoridad sa pagbabalik-eskwela

Pinatitiyak ni Deputy Speaker Loren Legarda na ipaprayoridad sa gitna ng pandemya ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro na magbabalik-eskwela.

Kasunod ito ng pagtukoy ng Department of Education (DepEd) sa 90 public schools na pinayagang lumahok sa limitadong face-to-face classes sa susunod na buwan.

Hiniling ng kongresista na mas pag-ibayuhin pa ang pagtiyak sa proteksyon sa mga estudyante at mga guro lalo’t karamihan pa sa mga mag-aaral ay hindi pa fully vaccinated.


Umapela si Legarda sa mga opisyal at mga tauhan ng paaralan gayundin sa DepEd, Local Government Units (LGU), at mga magulang na gawin ang lahat ng mga pag-iingat upang hindi pagmulan ng hawaan ng COVID-19 ang mga paaralan.

Sa inilabas na DepEd Memo noong nakaraang linggo para makasama sa pilot phase ng face-to-face classes, dapat ang paaralan ay nasa minimal risk areas, may secured LGU concurrence, pasado sa School Safety Assessment Tool (SSAT) at may parent’s consent ang mga estudyante.

Facebook Comments